fbpx

Career Tips

Mga Mahihirap na Tanong sa Interview at Kung Paano Tugunan

Date Posted: 10/24/2019

Sa pagpapalit ng trabaho o pagsisimula ng bagong career abroad, kinakailangang dumaan ang isang aplikante sa isang panayam o interview. Upang masigurong maayos na masasagot ang mga mahihirap na katanungan sa panayam at makapag-iiwan ng magandang impresyon sa hiring manager ay marapat na ihandang maiigi ang sarili. Nangangahulugan na una, dapat maunawaan ang sariling kakayahan upang mabulalas ito nang may kumpiyansa at pangalawa ay malaman ang mga impormasyon tungkol sa future employer nang sa gayon ay maikonekta mo ito sa sariling mga karanasan at kakayahan upang makumbinsi ang tagapanayam o interviewer na ika’y angkop sa posisyon. Laging sundin ang Golden Rule—huwag magmadali at magkaroon ng panahong unawaing maigi ang tunay na katanungan.

Narito ang mga kadalasang mahihirap na katanungan at kung paano ang mga ito tutugunan:

“Give us your background.”

Tandaan na ang katanungang ito ay hindi upang marinig ang detalyadong kuwento ng iyong buhay kung kaya’t iwasang ikulong ang pagbanggit sa mga personal na kuwento. Ang kasagutan ay marapat na maging tulay sa naising trabaho abroad kaya’t banggitin nang bahagya ang tungkol sa iyong family background, edukasyon, mga karanasan at ensayong nilahukan. Ipaliwanag ang naging gampanin sa dating trabaho sa komprehensibong detalye.

“Do you know who we are and why do you want to work with us?”

Iwasang malagay sa alanganin dahilan nang kawalan ng sapat na kaalaman tungkol sa organisasyon o kumpanya. Kinakailangang alamin ang tungkol sa kanilang negosyo, kuwento, reputasyon sa industriya at ang kanilang istilo ng pagpapatakbo. Kumbinsihin ang tagapanayam o interviewer sa pamamagitan ng pagsisikap na alamin ang tungkol sa kumpanya na maaaring isagawa sa pagbisita ng kanilang website. Maaari ring banggitin na matapos ang pagsasaliksik sa iba pang kumpanya, nananatiling ang ina-apply-an ang napili.

“What do you know about this organization and your future role in the position that you applied for?”

Nais ng interviewer na kumpirmahin kung iyong lubos na nauunawaan ang kinakailangan sa trabaho. Siguraduhing malinaw ang pagkakaunawa sa klase ng trabaho na ina-apply-an; ang pangangailangan at posibleng problema sa trabaho, ito ay upang makapagsalita nang may kumpiyansa. Walang masama sakaling magnais mag-klaripika at matapos ay sagutin ang nasabing tanong. Pagkakataon din iyon upang lubos pang madiskubre ang mga impormasyon tungkol sa organisasyon.

“Why do you feel that you are better than other candidates?”

Sa parteng ito, nais ng nagtatanong na mabatid kung hanggang saan ang iyong pang-unawa sa trabaho at ang iyong kumpiyansa sa sariling kapasidad. Ang tamang paraan na pagtugon sa katanungang ito ay mapagkumbabang ihambing ang sarili sa iba na maaari mang pantay-pantay ang inyong kakayahan, nananatiling natatangi ang sa iyo sa paraan ng pag-apply ng kakayahan na pinatutunayan ng mahuhusay na rekord sa dating mga trabaho.

“What is your past performance record and how soon can you show the results?”

Ito ang pagkakataong magbanggit ng detalye tungkol sa nakaraang mga tagumpay o accomplishments sa trabaho. Sa pangalawang parte, bigyan ng makatotohanang kasagutan ang tanong. Ipaliwanag na sapagkat nagkakaiba-iba ang trabaho sa mga organisasyon magiging masyado pang maaga upang makita ang magiging kontribusyon sa hinaharap hanggang sa magkaroon na ng sapat na panahon ng pananatili sa organisasyon. Bigyang kasiguraduhan ang interviewer na sapagkat iyong batid ang kabuuang gampanin ng posisyon at base na rin sa mga naging tagumpay, mayroong kumpiyansang mabilis kang makasusunod sa pangangailangan sa panibagong trabaho at hindi masasayang ang pagpili sa iyo.

“What features do you like and dislike about your job/this position?”

Nais matukoy ng interviewer ang mga salik na nakahihikayat sa iyo sa trabaho. Kung napag-isipan mo na ito nang maaga, subukang ikonekta ang mga ito base sa mga inaasahan sa trabaho. Iwasang maging negatibo sa anumang aspekto ng trabaho na hindi mo gaanong gusto, bagkus ay tignan ito bilang parte ng kabuuang gampanin.

“Tell me about a time you failed in some task at your job?”

Sa parteng ito nais malaman ng interviewer ang iyong kahinaan kung kaya’t maging handa. Kakailanganin mong aminin ang ilang kahinaan at kabiguan na natural namang nangyayari. Ang lahat ay nakararanas ng kabiguan subalit maaari itong maging kapaki-pakinabang sa pamamagitan ng pagbanggit na bagaman nabigo, ang nasabing karanasan ay nagdulot ng pagkatuto kung paano maisasaayos ang kahinaan at pangangasiwaan ang mga sitwasyon nang komportable. Isipin ang kahinaan na maaaring maging kalakasan at ihanda ang kasagutan nang maaga. Isang halimbawa ay ang hirap na stress management mula sa sabay-sabay na gawain na kalauna’y natutunang pangasiwaan sa pamamagitan ng wastong time management.

“What was your last boss like?”

Maging sinsero at magbigay galang sa dating superior at banggitin ang mga positibong katangian nito tanda ng pasasalamat. Huwag magbanggit ng anumang suliranin bagkus ay bigyang diin ang matagumpay nitong pamumuno sa panahon ng mga mahihirap na sitwasyon.

“Why did you decide to leave this job?”

Maging tapat ngunit maging sensitibo sa pagbibigay ng dahilan ng pagpapalit ng trabaho. Mas mataas na income o suweldo abroad ang kadalasang tugon o kaya nama’y dahil sa lay-off, kawalan ng pag-unlad at paghahanap ng bagong hamon. Iwasang magbanggit ng personal na suliranin, sakaling mang mayroon. Manatiling positibo sa dating trabaho at bigyang diin ang magagandang aspekto sa hindi pagbanggit ng maraming negatibo na maaaring nagdulot ng pagpapalit ng trabaho.

“How long do you plan to work with us?”

Nais ng interviewer na mabatid kung ika’y isang job hopper o papalit-palit ng trabaho. Panatilihin ang ideya na ika’y nagnanais na bumuo ng pangmatagalang career at sakaling mabigyang oportunidad na lumago, umaasang paglaon ay magkaroon ng pagkakataong mamuno ng pangkat.

©2019 Ikon Solutions Asia, Inc.

All rights reserved.  No part of this article shall be reproduced, stored in a retrieval system, or transmitted by any means, electronic, mechanical, photocopying, recording, or otherwise, without written permission from Ikon.  No patent liability is assumed with respect to the use of the information contained herein.  Although every precaution has been taken in the preparation of this article, the publisher and author assume no responsibility for errors or omissions.  Neither is any liability assumed for damages resulting from the use of information contained herein.

Ikon specifically disclaims any responsibility for any liability, loss or risk, personal or otherwise, which is incurred as a consequence, directly or indirectly, of the use and application of any of the contents of this article.

Back to Mobile Site